Kinilala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang apat na establisyemento mula sa Bicol Region sa ika-13 Gawad Kaligtasan at Kalusugan (GKK) na ginanap noong November 22, 2024, sa Radisson Blu Hotel, Cebu City. Ang naturang parangal ay naglalayong kilalanin ang natatanging kontribusyon ng mga kompanya sa pagpapahalaga sa kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa at pagpapanatili ng ligtas na lugar ng trabaho.
Ang AP Renewables ay tumanggap ng National Gold Award sa Industry Category, habang ginawaran naman ng National Silver Award ang Philippine Gold Processing and Refining Corporation at Quantrics Enterprises Inc. sa parehong kategorya. Samantala, ang PalaYamaNayon ni Tiyo Edgar ay pinarangalan ng National Bronze Award sa Micro-Enterprise Category.
Ang Gawad Kaligtasan at Kalusugan ay isang pambansang parangal ng DOLE na idinaraos tuwing dalawang taon upang hikayatin ang mga organisasyon na boluntaryong magpatupad ng mga programa para sa kaligtasan, kalusugan, at kapaligiran. Sa pamamagitan ng mga inisyatibong ito, layunin nitong mapataas ang produktibidad, maiwasan ang aksidente, at maging modelo para sa iba pang industriya. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay