Pinag-aaralan pa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kung palalawigin pa o hindi na ang SIM card registration sa bansa.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni DICT Usec. Anna Mae Lamentillo na sa kasalukuyan, binabantayan nila ang bilang ng mga nagpaparehistro kada araw.
Dito aniya nila ibabase ang pinal na pasya, kaugnay sa ekstensyon ng registration.
Nakatutok rin aniya sila sa pagpapataas ng bilang ng mga nagre-rehistro bago ang April 26 na deadline.
Sinabi ng opisyal na base sa kanilang tala, nasa 45.8 million na ang registered SIM cards.
Mula sa bilang na ito, 23.4 million ang Smart users, 3.4 million ang DITO, at 18.9 million ang Globe subscribers.
Sa ilalim ng batas, may kapangyarihan ang DICT na palawigin pa ng 120 days ang deadline ng SIM card registration. | ulat ni Racquel Bayan