Umabot sa โฑ7.8 milyong halaga ng ilegal na droga ang narekober ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG), sa isang linggong operasyon mula Marso 13 hanggang 19.
Sa ulat ni PDEG Director Police Brigadier General Narciso Domingo kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., 70 operasyon ang kanilang inilunsad sa loob ng naturang panahon, na kinabibilangan ng buy-bust operations, at arrest at search warrant Operations.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng 103 suspek, at pagkakasamsam ng 1,151.8 gramo ng shabu at marijuana leaves.
Sinabi ni BGen. Domingo, na sinisikap ng PDEG na itaguyod ang kanilang integridad sa pamamagitan ng mga operasyon na transparent at naayon sa batas, partikular sa aspeto ng supply reduction.
Ipinagmalaki ni Domingo, na sa mga naisagawa nilang operasyon ay walang nasawi at wala ring nangyaring armadong engkwentro. | ulat ni Leo Sarne