Pormal nang inihain ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang kaso laban kina Negros Oriental Rep. Arnulfo “Arnie” Teves Jr. gayundin sa dalawang anak nito
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame ngayong hapon, sinabi ni PNP Spokesperson, P/Col. Jean Fajardo na alas-3:00 ngayong hapon nang ihain sa Department of Justice ang kaso laban sa mambabatas gayundin kina Kurt Matthew at Accel Teves.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Law gayundin ang Illegal Possession of Explosives ang isinampa laban sa mag-aamang Teves matapos ang isinagawang raid sa kanilang bahay sa Bayawan City.
Dahil dito, kinumpirma rin ni Fajardo na kanselado na ang Licensed to Own and Possess Firearm ni Kurt Matthew dahil bukod dito ay may isa pa siyang kasong kinahaharap kaugnay sa pananakit nito sa isang security guard.
Kasunod nito, muling tiniyak ni Fajardo kay Rep. Arnie Teves ang kahandaan ang PNP na magbigay seguridad sa kaniyang pagbabalik bansa hangga’t wala pang inilalabas na warrant of arrest ang Korte laban sa mambabatas. | ulat ni Jaymark Dagala