Nasa โฑ5 milyong halaga ng kita ng mga mangingisda sa Oriental Mindoro ang nawawala kada araw, dahil sa oil spill sa lugar.
Kasunod pa rin ito ng paglubog ng MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro, ika-28 ng Pebrero.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Information Chief Nazario Briguera, na sa kasalukuyan tinatayang nasa 19,000 mangingisda na ang apektado ang kabuhayan dahil sa oil spill.
Ayon sa opisyal, ang pamahalaan ay tuloy sa pagbibigay ng livelihood assistance sa mga apekadong residente, partikular ang cash for work program ng gobyerno.
Ang mga nagiging bahagi aniya ng programa ay nagiging katuwang ng pamahalaan sa pagbuo ng oil spill boom, na makakatulong naman sa ginagawang containment at recovery efforts ng gobyerno sa tumagas na langis. | ulat ni Racquel Bayan