Kinumpirma ni House Secretary General Reginald Velasco na humiling ng extension si Negros Oriental 3rd District Representative Arnulfo “Arnie” Teves para sa kanyang personal na biyahe.
Kung matatandaan kahapon nang ihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hinihintay nila ang pag-uwi ni Teves mula sa biyahe niya sa Estados Unidos dahil paso na ang travel authority na ibinigay ng Kamara.
Kaugnay pa rin ito ng kasong isinampa laban sa mambabatas na nag-uugnay sa kanya sa mga pagpatay noong 2019.
Ayon kay Velasco may hiling na extension si Teves ngunit ang problema ay wala itong lagda sa request.
Hindi rin aniya nakalagay kung ang lugar at petsa ng hinihinging extension.
Batay sa naunang travel authority na ibinigay kay Teves, bumiyahe ito pa-Estados Unidos mula February 28 hanggang March 9.
Sa kanyang Facebook noong nakaraan, sinabi nito na sumailalim siya sa stem cell treatment. | ulat ni Kathleen Jean Forbes