Lumobo na sa mahigit 13,000 litro ng magkahalong tubig at langis ang narekober sa dagat na sakop ng Oriental Mindoro.
Mula ito sa langis na patuloy ang pagtagas mula sa lumubog na MT Princess Empress.
Sa datos ng Philippine Coast Guard (PCG), nasa 13,383 liters ng oily water mixture ang nakolekta bukod sa 139 sako ng oil-contaminated materials sa offshore operations.
Samantala, may 156 sako naman ng oil contaminated materials ang nakuha sa paglilinis sa mga dalampasigan ng 13 barangay ng Pola, Naujan at Bulalacao sa Oriental Mindoro, kahapon.
Dahil dito, umakyat sa 3,937.5 na sakop at 22 drum ng malangis na basura ang nahakot na mula sa mga apektadong barangay sa lalawigan mula noong March 01. | ulat ni Lorenz Tanjoco