Mahigpit na binabantayan ng Department of Education (DepEd) ang kalagayan ng mga paaralan sa Davao Region.
Ito’y matapos ang pagtama ng magnitude 5.9 na lindol sa bahagi ng Davao de Oro noong hapon ng Martes, March 7.
Batay sa inilabas na datos ng DepEd, pinakamaraming paaralan ang napinsala sa bahagi ng Panabo City sa Davao del Norte na may 24.
Nasa 18 naman ang naitala sa nalalabing bahagi ng Davao del Norte habang tig-3 naman ang naitala sa mga lalawigan ng Davao de Oro, Davao Oriental, gayundin sa Tagum City sa Davao del Norte, at Island Garden City of Samal.
Gayunman, hindi pa binanggit ng DepEd kung magkano ang tinatayang halaga ng mga napinsalang paaralan gayundin kung ilang mga mag-aaral ang naapektuhan dahil sa pagyanig. | ulat ni Jaymark Dagala