Hinikayat ng Bureau of Fire Protection ang publiko na makipag-ugnayan muna sa mga local fire station bago magkasa ng mga aktibidad na gaya ng fire drill.
Ginawa ng BFP Directorate for Fire Safety Enforcement (DFSE BFP NHQ) ang pahayag kasunod ng insidente sa Gulod National High School – Mamatid Extension sa Cabuyao City, Laguna kung saan nasa 112 na mga estudyante ang isinuguod sa ospital dahil sa heat exhaustion na dulot ng fire drill na isinagawa sa kanilang paaralan.
Sa inisyal na ulat, natukoy na hindi nakipag-ugnayan ang school management sa BFP sa naturang aktibidad at nalaman lamang ito ng Cabuyao Fire Station nang mayroon na itong natanggap na tawag kaugnay ng emergency.
Ayon sa BFP, mas nabawasan ang posibilidad ng insidente kung sa umaga isinagawa ang fire drill at hindi sa tanghali o hapon kung saan mainit ang temperatura.
Binigyang diin ng BFP na bagama’t hinihikayat nito ang pakikiisa ng mamamayan sa pagpapalaganap ng fire safety, mas mainam pa rin kung mayroong maayos na koordinasyon sa local fire station para ligtas na maisagawa ang mga ganitong aktibidad. | ulat ni Merry Ann Bastasa