Kumpiyansa ang Philippine National Police (PNP) na malaki ang ginampanang papel ng Chief Security Officer ng HDJ Tolong Compound, na pagmamay-ari ni dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo at walong iba pa.
Ito ay makaraang makuha ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga karagdagang ebidensya tulad ng mga larawan at mapa ng bahay ng pamilya Degamo mula kay Nigel Electona.
Ayon kay PNP Spokesperson, Police Colonel Jean Fajardo, si Electona ay dating Pulis Dumaguete na may ranggong Patrolman na nasibak sa serbisyo noong 2017 dahil sa iligal na droga.
Magugunitang naaresto si Electona sa isinagawang follow up operations ng CIDG sa bahay nito, matapos salakayin ang compound na pagmamay-ari ni dating Gov. Teves. | ulat ni Jaymark Dagala