Sisimulan na ng Department of Agriculture (DA) ang konstruksyon ng cold storage facility nito para sa sibuyas sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Kasunod ito ng isinagawang ground breaking ceremony para sa itatayong 20,000 Bags Capacity Onion Cold Storage sa Calancuasan Sur, Cuyapo, Nueva Ecija.
Popondohan ng ₱40-milyon ang konstruksyon ng naturang pasilidad na ipagkakaloob sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) sa Calancuasan Sur Farmers Association.
Ayon sa DA, sa pamamagitan ng pasilidad ay magkakaroon na ng imbakan ng mga aning sibuyas ng mga magsasaka sa Nueva Ecija upang pamanatili ang kalidad at maiwasan ang mabilis na pagkasira ng mga ito.
Nauna nang sinabi ng DA na magtatayo ito ng anim na cold storage facility sa apat na mga onion-producing regions kabilang ang Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon at Mimaropa bilang suporta sa mga lokal na magsasaka. | ulat ni Merry Ann Bastasa
?: DA