Inabswelto ng Anti Graft Court si dating Agriculture Secretary Proceso Alcala mula sa kasong graft and corruption at malversation of public funds mula sa kanyang “pork barrel” noong siya pa ang kinatawan ng Quezon Province.
Sa desisyon ng Sandiganbayan, walang matibay na ebidensiya na naipakita ang Ombudsman para idiin si Alcala sa P6 million na kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Base sa inihain na reklamo ng prosecution, sinulatan umano ni Alcala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para ilipat ang kanyang pondo noong 2007 sa isang non-government organization na ECOSOC.
Subalit sinabi ng mga mahistrado, hindi pa maituturing na ilegal ang paglipat sa pondo dahil 2013 lamang idineklara ng Supreme Court na unconstitutional ang PDAF.
Bukod dito, ang DSWD din daw ang may approval sa kahilingan nito, at walang magagawa ang dating mambabatas kung hindi rin ito ibinigay..
Ngunit kahit abswelto si Alcala, inutusan naman siya ng Sandiganbayan na bayaran ang nawala na P6 million na may 6 percent per annum bilang civil indemnity. | ulat ni Michael Rogas