Nais ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na ibalik ang parusang kamatayan para sa mga sangkot sa iligal na droga.
Kasunod ito ng isinagawang imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs na kaniyang pinamumunuan hinggil sa recycling ng droga.
Ayon kay Barbers, irerekomenda ng kaniyang komite ang pagbabalik ng parusang kamatayan laban sa ninja cops, ninja informants, at iba pang drug offenders.
Isusulong din aniya nila ang amyenda sa Dangerous Drugs Act upang mas maging mahigpit ang imbentaryo at hindi makapagpuslit mula sa nasabat na iligal na droga at maiwasan ang recycling nito.
Sa isinagawang imbestigasyon ng komite, naisiwalat ang sabwatan ng mga ninja cops at ninja informants kung saan binabawasan ng 30%-70% ang nakukumpiskang droga at nire-recycle.
Ito’y matapos ibunyag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Moro Virgilio Lazo sa naunang pagdinig na mayroong mga asset na humihingi ng porsyento ng nahuling droga bilang kabayaran sa tip o impormasyon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes