Aabot na sa higit ₱1.5-milyon ang halaga ng assistance na naipaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residente ng Batangas na apektado na rin ng oil spill.
Ayon sa DSWD, kabilang sa naipamahagi nito ang 1,762 family food packs (FFPs) sa mga apektadong mangingisda at tourism industry workers sa anim na barangay sa Isla Verde.
Bukod dito, may nakapreposisyon pang 9,000 food packs para naman sa mga munisipalidad ng Nasugbu, Calatagan, Balayan, Lemery, Lian, at San Juan.
Ipinoproseso na rin ng DSWD Calabarzon ang pagdownload ng pondo sa mga LGU sa Batangas para sa pagpapatupad ng Cash-for-Work (CFW) program.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, nasa 1,767 pamilya o katumbas ng 7,740 na indibidwal na ring ang apektado ng oil spill sa Batangas City. | ulat ni Merry Ann Bastasa