Limang araw ang ibinigay na palugit ng House Committee on Ethics and Privileges kay Negros Oriental Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves upang magpaliwanag hinggil sa expired niyang travel authority.
Ayon kay COOP-NATCO Party-list Rep. Felimon Espares, Chair ng komite, ngayong araw o bukas ang pagpapadala nila ng sulat kay Teves upang hingin ang panig nito sa kanyang napasong travel authority.
“Part of the action of the committee, through the chair, susulat muna kami sa aming colleague na mag-explain bakit hindi niya magawa-gawa i-process yung kanyang expired travel authority and might be on the next probe, we will be hearing his side as well…I think 5 days is enough for him to reply, or might be baka umuwi sya dito.” saad ni Espares.
Kung matatandaan hanggang March 9 lang ang pinayagang biyahe ni Teves sa Estados Unidos.
Humingi ito ng extension ng travel authority hanggang April 9 ngunit dahil sa hindi nakasaad kung nasaang bansa siya ay hindi ito pinagbigyan.
Sakali namang hindi tumugon si Teves sa loob ng limang araw na ibinigay sa kanya ay saka muling pag-uusapan ng komite kung ano ang magiging susunod na hakbang.
Ngunit umaasa si Espares na uuuwi na ang kasamahang mambabatas upang personal na maipaliwanag ang kanyang panig.
“I will exert my effort with him na mag-explain din with this committee, pero ang una talaga nating panawagan sa kaniya is harapin niya ang mga sinasabi dito na mga parang allegations…in order for us also to be clear na yung member ng House are clear on his side. So kung kaya sana, talagang mag report siya dito sa House personally yun ang the best” dagdag ng mambabatas.
Ang naturang komite na ang hahawak sa anomang usapin hinggil sa isyu sa travel authority ni Teves. | ulat ni Kathleen Forbes