Wala pang humihingi ng request para sa kailangang budget ang alinmang ahensya ng pamahalaan na kasalukuyang tumutulong sa mga apektadong mangingisda dahil sa oil spill.
Sa panayam sa Malacañang, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na nagkausap na sila ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian at nagsabi naman aniya ang kalihim na may pondo pang nagagamit para maipantulong sa mga apektadong pamilya.
Ganito rin ani Pangandaman ang Labor Department na kung saan ay nagpapatuloy ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD.
Pinaliwanag ni Pangandaman na mayroong funding para sa protective services ang nasabing mga ahensya at dito ibinabawas ang ginagamit na pantulong sa mga apektado ng oil spill.
Idinagdag ng kalihim na pati nga Department of Health (DOH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay naglabas na din ng kaukulang funding para maitulong sa mga displaced na fishermen at workers sa lugar. | ulat ni Alvin Baltazar