Pinasisibak sa pwesto ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) of Quezon City ang hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Crime Investigation and Detection Unit matapos umano pagtakpan ang katotohanan sa likod ng insidente ng hit-and-run na ikinamatay ng isang tricycle driver noong nakaraang taon.
Sa 19-page decision na inilabas ng PLEB, pinadi-dismiss si Police Lieutenant Colonel Mark Julio Abong habang suspendido ng 60 araw sina Police Colonel Alexander Barredo, Police Corporal Joan Vicente, at PSMS Jose Soriano.
Abswelto naman ang siyam pang pulis na inireklamo dahil sa hit-and-run.
Inireklamo si Abong matapos masagasaan ang tricycle driver na si Joel Laroa noong August 6, 2022.
Base sa mga iprinesentang video sa pagdinig ng PLEB, nakita sina Barredo at Vicente na humuli sa sasakyang nakabangga kay Laroa.
Ngunit nang malaman na si Abong ang driver nito ay hinayaan nila siyang tumakas.
Pinagtakpan din umano ni Soriano ang ilang detalye sa aksidente nang ilagay sa incident report na isang “unknown driver” ang nakasagasa kay Laroa, at kinalaunan ay pinalitan ng pangalan na Ronald Centino base sa utos ng abogado ni Abong.
Pinuri ni Mayor Joy Belmonte ang PLEB dahil sa pagresolba sa kaso nang walang kinikilingan o kinatatakutan pati na rin kay Philippine National Police (PNP) Chief General Rodolfo Azurin para sa pagtulong sa imbestigasyon. | ulat ni Bernard Jaudian Jr.