Kasado na ang kampanya para sa Culture of Security ng Davao City na nakatakdang ilunsad sa mga paaralan dito sa lungsod sa pangunguna ng Task Force Davao.
Sinabi ni Task Force Davao Commander Col. Darren Comia, ito ay bahagi lang ng kanilang mga hakbang para mapalaganap sa lahat ng sektor ang kampanya sa seguridad para sa kaligtasan ng lahat ng mga Dabawenyo at ng buong lungsod sa pamamagitan ng “May nakita? Dapat Magsalita” campaign na batay sa City Executive Order No. 41 Series of 2020 o “an order encouraging Dabawenyos to adopt the culture of security as part of their way of life”.
Kaugnay nito, gumawa ang Task Force Davao ng mga audio-video presentation na angkop para sa mga mag-aaral sa highschool at elementarya na maaaring ipalabas sa mga klase, kung saan binibigyang diin ang apat na mga importanteng hakbang upang mapanitili ang kaligtasan at seguridad ng lugsod na “Volunteer”, “Report”, “Remind”, and “Participate”
Ayon kay Comia, siniguro nilang angkop para sa mga kabataan ang kanilang campaign materials sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Department of Education, Special Office for Children’s Concern, City Social Welfare and Development Office, at maging sa City Health Office at Integrated Gender and Development Division sa produksyon ng naturang mga campaign materials
Sa ngayon, hinihintay na lang ng Task Force Davao ang go signal ng DepEd para mailunsad na ang kampanya ng Culture of Security sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan dito sa lungsod. | ulat ni Maymay Benedicto | RP1 Davao