Arestado ang isang lalaki na umano’y sangkot sa swindling sa entrapment operation ng Pulisya sa Makati City.
Ayon kay Police Colonel Edward Cutiyog, hepe ng Makati City Police, nagpapanggap na konektado sa Bids and Awards Committee (BAC) ng lungsod ang suspect.
Nangako ang suspect sa complainant na mabibigyan siya ng Notice of Award para sa pagsasaayos sa mga kalsada at drainage system sa Brgy. San Antonio.
Napagkasunduan nilang magbabayad ang complainant ng ₱1,000,000 kung saan unang ibibigay ang ₱600,000 para mapabilis ang proseso.
Napag-alaman ng complainant na peke ang mga papeles na hawak ng suspect na nagpapatunay na may koneksyon siya sa Bids and Awards Committee.
Agad na nagkasa ng entrapment ang mga pulis kung saan nakipagkita ang suspect at complainant sa isang coffee shop at kinalaunan ay nahuli.
Lumutang din ang iba pang mga complainant mula sa Cavite, Pasay, Tarlac, at Bataan matapos din umano sila matangayan ng milyon-milyong piso sa kaparehong modus.
Nahaharap ang suspect sa kasong estafa at falsification by private individual and use of falsified documents. | ulat ni Bernard Jaudian Jr.
?: Makati CPS