Kinumpirma ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na umabot na sa 155 pampublikong paaralan sa Masbate ang pansamantalang nagpapatupad ng distance learning, dulot ng bakbakan sa pagitan ng militar at New People’s Army (NPA).
Ayon kay VP Sara, naapektuhan ang 55,199 learners at 2,815 school personnel mula sa anim na bayan dahil sa terorismo na pakana umano ng NPA.
Mahirap aniya na desisyon ang suspensyon ng face-to-face classes, lalo na sa panahong nagsusumikap ang gobyerno na tugunan ang problema sa learning losses sa nakalipas na dalawang taon.
Inihalintulad ni VP Sara ang NPA sa mga peste na sumisira sa mga pananim at kabuhayan.
Kasabay nito, hinimok ng pangalawang pangulo ang lahat na ipagdasal ang tagumpay at kaligtasan ng Philippine Army gayundin ang pagbabalik ng mga mag-aaral at personnel sa mga eskuwelahan. | ulat ni Hajji Kaamiño