Tinututukan na ng pamahalaan ang paglalagay ng patubig sa Marawi City, partikular iyong bahagi ng siyudad na lubhang naapektuhan ng kaguluhan noong kubkubin ng Maute terrorist group ang lungsod, ika-23 ng Mayo, 2017.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Marawi Compensation Board Chair Atty. Maisara Dandamun-Latiph, na base sa impormasyon mula sa Task Force Bangon Marawi nasa 85 percent na ang completion ng rehabilitasyon sa lugar.
Aniya, supply na lamang ng tubig ang kanilang inaayos kabalikat ang Local Water Utilities Administration (LWUA), lalo at una nang natiyak ang supply ng kuryente sa lugar.
Base aniya sa pinakahuling tala, mula sa 12,000 indibidwal na mayroong tahanan sa most affected area sa Marawi City, nasa 1,500 na ang nabigyan ng permiso na makabalik at magsimulang isaayos ang kanilang bahay.
Mula sa 1,500 na ito, 10% o 150 dito ang nakabalik na. | ulat ni Racquel Bayan