Naglabas ng panibagong video si Negros Oriental Representative Arnulfo Teves Jr.
Tugon niya ito sa naging panayam kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaninang umaga, kung saan nanawagan ito sa pag-uwi ng mambabatas.
Ayon kay Teves, nais niyang makausap si Pangulong Marcos Jr. upang maipaliwanag sa kaniya ang kaniyang panig.
“Ewan ko papaano, gusto ko sana kayong makausap para maka-explain ako sa inyo. Kung matawagan ko man ang anong number ng tauhan mo, baka pwede kay boss Anton, para lang makausap ko kayo Mr. President kung ok sa inyo. Again nirerespeto ko kayo ng sobra, sana lang mapagbigyan niyo ako na makapag-usap tayo. Para ma-explain ko naman ang aking side,” ani Teves.
Nanindigan din ang mambabatas, na ang dahilan ng kanyang pag-uwi ay dahil sa banta sa kaniyang buhay.
Muling binanggit ni Teves, na noon pa lamang Enero ay sinabi na niya na mayroong operasyon laban sa kaniya ang ilang tauhan ng gobyerno.
“Again hindi ito tungkol sa murder, Mr. President. Gusto kong lang malaman mo talaga dahil January 11 palang may operation na ang mga ibang tauhan dyan sa gobyerno laban sa akin. Mr. President, nung mga araw nq iyon, nanawagan na ko sa inyo. Baka hindi lang nakarating sa inyo yung aking panawagan. But again nanawagan na ako as early as January 11.” dagdag ng Negros Oriental solon.
Aminado naman si Teves, na kung ang Pangulong Marcos Jr. na ang humiling sa kaniya na umuwi ay mahihirapan itong humindi.
“..Kung kayo na agg humiling na umuwi na ako, mas mahihirapan akong humindi dahil mas may authority kayong makabigay ng proteksyon sakin.” sabi ni Teves. | ulat ni Kathleen Forbes