Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine Army na ipagpatuloy ang balikatan sa kanilang counterpart sa iba’t ibang bansa, bilang bahagi ng pagpapalakas ng kakayahan ng AFP sa kabuuan.
Sa talumpati ng Pangulo sa ika-126 na Founding Anniversary ng Philippine Army sa Taguig City (March 22), binigyang-diin ng pangulo ang pangangailangan na palaging maging handa ang kanilang hanay sa anomang klase ng sitwasyon at pangangailangan, lalo’t sila ang itinuturing na last defense ng Pilipinas.
Sinabi ng Pangulo, ang magkakaparehong security challenges na nararanasan ng iba’t ibang bansa ay magre-resulta lamang sa mas kongkretong pagtugon sa mga hamong ito.
“Continue to improve your relations with your counterparts overseas. Common security challenges necessitate a more concerted approach among like-minded nations. Share information, learn from the best practices in the region to make our military better.” saad ni Pangulong Marcos Jr.
Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na batid niya ang mga banta sa teritoryo ng bansa, at nangangailangan aniya ito ng adjustment sa mga istratehiya ng Pilipinas.
Gayunpaman, kumpiyansa ang Pangulo na dahil sa matagal na karanasan ng Philippine Army, magagawa ng mga itong malampasan ang mga hamong ito. | ulat ni Racquel Bayan