Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang mga nagbabalak tumakbo sa Barangay and Sangguniang Kabataan (SK) Elections na makipag-ugnayan sa kani-kanilang Chief of Police kung sa tingin nila ay may “imminent danger” sa kanilang buhay.
Ang panawagan ay ginawa ni PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo matapos ang dalawang magkahiwalay na pananambang at pagpatay sa isang barangay chairman at kanyang asawa sa Cebu, at barangay captain sa Maguindanao nitong March 14.
Ayon kay Col. Fajardo, may persons of interest na sa insidente sa Cebu kung saan personal na alitan ang posibleng motibo, habang iniimbestigahan pa ang insidente sa Maguindanao.
Gayunman, sinabi ni Col. Fajardo na hindi itinuturing ng PNP bilang election-related incidents ang dalawang kaso dahil hindi pa naman opisyal na kandidato ang mga biktima.
Bilang paghahanda aniya sa eleksyon, ipinag-utos na ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at mga local commanders na paigtingin ang kampanya laban sa mga private armed groups na maaaring magsilbing “Gun for hire” sa darating na eleksyon. | ulat ni Leo Sarne