Pinaiimbestigahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang insidente ng pagkakakumpiska ng maraming mga matataas na kalibre ng mga armas sa loob ng isang condo unit ng isang Taiwanese national sa Makati City.
Sa report, 13 rifle, pitong submachine guns, 65 handguns, mga ammunition, at hand accessories ang nakumpiska ng mga awtoridad sa loob ng condo ng isang pinaghihinalaang lider ng isang Taiwan-based criminal syndicate sa Rockwell nitong Lunes.
Sa sesyon kagabi, hiniling ni Zubiri kay Public Order and Dangerous Drugs Committee Chairperson Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na magkasa ng motu proprio investigation dito.
Nais malaman ng Senate president ang posibleng implikasyon nito sa national security ng Pilipinas.
Nilinaw ng Senate leader na sa ilalim ng Senate rules ay maaaring kusang imbestigahan ng isang Senate committee ang isang isyu kahit walang nakahaing resolusyon basta’t may kaugnayan ang usapin sa hurisdiksyon ng komite, o kung may ibinigay na impormasyon sa isyu ang isang kapwa senador.
Tumugon naman si Dela Rosa at nangakong agad na magpapatawag ng hearing at magsusumite ng report tungkol sa usapin. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion