Aabot sa 85 matataas na kalibre ng armas, daan-daang mga bala at samu’t saring gun accessories ang nakumpiska ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP).
Ito ay kasunod ng ikinasang follow up operations ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang condominium unit, na inuupahan ng Taiwanese national sa bahagi ng Rockwell, Makati City, kagabi.
Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng mga tauhan ng CIDG ang inuupahang condo unit ng Taiwanese na si Jiang Zhang Xiandong, na kilala rin sa alyas na Liu Ming Chung na siyang target ng operasyon.
Tumambad sa pinagsanib na puwersa ng CIDG, Makati PNP, Bureau of Immigration, at Philippine Drug Enforcement Agency ang samu’t saring mga short firearm, sangkaterbang mga bala at gun accessories na nakasilid pa sa mga maleta.Iniharap naman ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr., sa Kampo Crame ang mga nasabat na armas mula sa Taiwanese national.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Abalos, na patunay lamang ang operasyon na ito ng maigting na kampaniya kontra sa mga loose firearm sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni Jaymark Dagala