Ibinahagi ng National Police Commission (Napolcom) na isa sa mga kailangang tugunan sa ipinapanukalang restructuring ng Philippine National Police (PNP) ang kakulangan ng 50,000 na mga pulis.
Ayon kay Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Alberto Bernardo, ito ay dahil nadagdagan ang mga posisyon kaya kulang din ang budget.
Sinabi rin ng Napolcom na dapat ring maisama sa panukala na ang mismong ang Pangulo ng bansa ang magpro-promote sa ranggo at posisyon ng mga police officers.
Pero komento naman ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, kung idadaan pa ito sa Presidente ay baka matagalan ang proseso ng promotion dahil sa dami ng paperworks.
Kasama rin sa panukala ang kilalanin ang mga kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) na mga government employees.
Sa ngayon kasi ay job order (JO) lang ang kanilang estado kaya wala silang mga benepisyo at allowance lang ang nakukuha nila.
Sa ngayon nasa 1,101 ang kadete ng PNP.
Nais ni Dela Rosa na maging regular na silang empleyado at magawaran ng sweldo na katumbas ng sweldo ng police master sargeant. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion