Umabot sa 137 ang naaresto ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa unang araw ng pagpapatupad ng Intensified Anti-criminality Campaign na ipinag-utos ng bagong PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr.
Iniulat ni CIDG Director Police Brigadier General Romeo Caramat na bilang pagtupad sa direktiba ng PNP Chief, nagsagawa sila ng 128 operasyon nationwide noong April 25.
Bukod sa 137 na naaresto, nakumpiska ng CIDG ang 18 samut saring kalibre ng baril, dalawang pampasabog, at ₱1.9-milyong pisong halaga ng ebidensya sa mga naturang operasyon.
Kabilang sa mga naaresto ang 33 Most Wanted Persons (MWP), 65 Other wanted persons (OWP), 14 na nakunan ng ilegal na armas, 7 Economic saboteurs, at 18 nahuli sa iba’t ibang law enforcement operations.
Tiniyak ni Caramat ang buong suporta ng CIDG sa pinaigting na kampanya kontra krimen ng PNP chief, sa pamamagitan ng paglulunsad ng komprehensibong operasyon sa buong bansa. | ulat ni Leo Sarne