Nananatiling marumi at kontaminado ng iba’t ibang kemikal ang karagatang sakop ng Puerto Galera sa Oriental Mindoro.
Ito ang kapwa iniulat ngayong araw ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Health (DOH) hinggil sa epektong dulot ng nangyaring oil spill sa MT Princess Empress, kamakailan.
Sa isang pulong balitaan sa Makati City ngayong araw, sinabi ni DENR Spokesperson, Undersecretary Jonas Leones, na batay sa isinagawang water sampling sa 35 istasyon tanging siyam ang nakapasa rito.
Nilinaw ni Leones, na bagaman malinis sa paningin ang katubigan sa nasabing lugar lumalabas aniyang mataas pa rin ang kontaminasyon ng kemikal nito batay sa kanilang ginawang pag-aaral.
Kaya naman, pinapayuhan ng DENR at ng DOH ang publiko na iwasan muna ang pangingisda o paliligo sa bahaging iyon ng karagatan. | ulat ni Jaymark Dagala