Anti-drugs panel ng Kamara, bigong mapiga si dating Police Master Sgt. Mayo sa isyu ng 990-kilo drug haul

Facebook
Twitter
LinkedIn

Bigo ang mga mambabatas na dumalo sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs na pasalitain at makakuha ng impormasyon mula kay dating Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr.

Sa pamamagitan ng teleconferencing ay humarap si Mayo sa inquiry ng komite tungkol sa kinasangkutan nitong 990-kilo shabu buy bust.

Ang naturang halos isang toneladang shabu ay nakumpiska sa loob ng opisina ng kaniyang WPD lending Office.

Sa naging pagtatanong ng panel chair na si Surigao del Norte Representative Ace Barbers, Antipolo Representative Romeo Acop, at iba pa ay paulit-ulit na ini-invoke ni Mayo ang kanyang “right to remain silent” at “right against self-incrimination”.

Pinaalalahanan naman ni Rep. Acop si Mayo na hindi niya maaaring i-invoke ang naturang ‘rights’ dahil walang kinalaman ang kanilang mga tanong sa kaniyang criminal case na inihain ng PNP-Drug Enforcement Group.

“Ay hindi naman tungkol sa kaso mo ito e, hindi maapektuhan yung kaso mo iho. That’s why you cannot invoke your right to remain silent. Ang pinag-uusapan natin yung mangyayari sayo,” saad ni Acop.

“My apologies your honor. I invoke my right to remain silent,” tugon ni Mayo.

Nagsalita lamang si Mayo para sabihin na ang mga kasong inihain sa kaniya ay ‘moro-moro’ o gawa-gawa lamang.

“Sergeant Mayo. Siguro naman pwede mo nang sagutin ito, napakasimpleng tanong. Ano ba yung ikinaso sayo? tanong ni Barbers.

“Sir, moro-moro na kaso your honor,” sagot ni Mayo. | ulat ni Leo Sarne

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us