Nagpaalala ang Bureau of Immigration sa publiko at sa mga dayuhan na dumaan sa tamang proseso sa pagkuha ng Bureau of Immigration stamp at visa.
Ginawa ang pahayag matapos ang sunod-sunod na may naharang sa paliparan na mga pasaherong gumagamit ng pekeng BI stamp at visa.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, posibleng may nag-aalok ng tulong para sa kanilang mga dokumento pero peke naman pala ang kanilang binibigay sa customer.
Nauna nang iniulat ng BI ang pagharang noong Marso sa tatlong Senegalese passengers, kabilang ang dalawang menor de edad, sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) dahil sa pagtatangkang umalis na may mga pekeng BI stamp sa kanilang mga pasaporte.
Sa ginawang pagsusuri sa kanilang mga pasaporte ng forensic documents laboratory ng BI, natuklasan na ang mga Schengen visa na nakadikit sa kanilang mga pasaporte ay peke rin. | ulat ni Don King Zarate