Pinaghandaan ng Pamahalaang Bayan ng Lucban, Quezon ang Buhusan Festival 2023 na isasagawa bukas, Linggo ng Pagkabuhay.
Ayon sa pabatid ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), isang entry point at isang exit point ang itinalaga para sa mga tao, samantalang hindi naman maaaring pumasok ang mga sasakyan.
Sasaraduhan din para sa mga sasakyan ang San Luis Street, Quezon Avenue, at Rizal Avenue kung saan dadaan ang parada at kung saan pangunahing isasagawa ang Buhusan.
Itinalaga ang San Luis Street bilang Emergency Lane para sa rescue vehicles ng MDRRMO at PNP.
Ipinagbabawal naman ang pagdadala ng nakalalasing na inumin, matutulis na bagay, at armas sa mga nasabing lugar na pagsasagawaan ng Buhusan Festival.
Isang tradisyon sa Lucban ang Buhusan Festival tuwing Easter Sunday, kung saan nagbubuhusan ng tubig ang mga tao bilang simbolo ng pag-aalis ng mga kasalanan at pagbabagong-buhay. | ulat ni Tom Alvarez | RP1 Lucena