Fully operational pa rin ang nasa 42 commercial Airports na pinangangasiwaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP at handa itong magserbisyo sa mga bibiyaheng pasahero
Ito ang tiniyak ng CAAP ngayong dagsa ang mga lokal maging ang mga dayuhang turista sa panahong ito ng tag-init na siyang inaasahan dahil sa tinatawag na ‘revenge travel’ matapos ang COVID-19 pandemic.
Ayon sa CAAP, mahigpit ang kanilang pakikipag-ugnayan sa kanilang Area Center at Airport Managers upang siguruhing nasusunod ang health at standard safety protocols.
Idinagdag pa ng CAAP, naka-standby din ang kanilang medical personnel sa mga paliparan para umalalay sa mga pasaherong makararanas ng hindi maganda kaugnay ng tag-init.
Dahil dito, nagpaalala si CAAP Director General, Capt. Manuel Antonio Tamayo sa mga pasahero gayundin sa mga tauhan ng paliparan na gawin ang ibayong pag-iingat buhat sa epekto ng matinding init na nararanasan sa bansa.
Dahil sa pagtaas ng temperatura, makabubuting palagiang uminom ng tubig upang maging hydrated at makaiwas sa ‘heat stroke’ o atake sa puso.
Pinaalalahanan din ng CAAP ang mga sasakay ng eroplano na magsuot pa rin ng facemask at ugaliing maghugas ng kamay dahil sa nananatili pa rin ang banta ng COVID-19. | ulat ni Jaymark Dagala