Personal na pinuntahan ni Occidental Mindoro Representative Leody Tarriela si National Electrification Administration (NEA) Administrator Antonio Almeda upang idulog ang power situation ng lalawigan.
Ayon kay Tarriela, sa kanilang pulong ay tinawagan mismo ni Almeda ang Oriental Mindoro Electric Cooperative, Inc. (ORMECO) at kinatawan ng DMCI Power Plant sa Oriental Mindoro para hilingin na paganahin na ang 5MW na makina nito para makapagsuplay sa Occidental Mindoro.
Dahil naman dito ay nakakuha ng commitment ang Occidental Mindoro na 4MW mula sa DMCI sa ilalim ng Emergency Power Procurement ng OMECO.
Inaasahang makakadagdag din sa suplay ng kuryente ayon kay Tarriela ang pagkuha ng suplay direkta sa Power Source Inc. o PSI na may planta sa Pulang Lupa sa Bayan ng San Jose.
Batay na naging pag uusap ng PSI at ng NEA ay April 25 sisimulan ang pagsusuplay ng paunang 5MW mula sa kanilang 10MW na planta.
Isinailalim sa State of Calamity ang Occidental Mindoro dahil sa 20 hour power interruption. | ulat ni Kathleen Jean Forbes