Mariing itinanggi ni dating PNP Deputy Chief for Operations Police Lt. Gen. Benjamin Santos na may kinalaman siya sa sinasabi ni DILG Sec. Benhur Abalos na cover-up kaugnay ng narekober na 990 kilo ng shabu mula kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo.
Sa pulong balitaan ngayong umaga sinabi ni Gen. Santos na nagdiriwang siya ng kaniyang kaarawan noong Oktubre 8, ang araw na isinagawa ang raid sa lending agency na pag-aari ni Mayo.
Tinawagan lang aniya siya ni PNP Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr. para pumunta sa lugar, at pasado alas-sais ng hapon siya nakarating kung kailan tapos na ang operasyon.
Giit ng Heneral, binati lang niya ang mga operatiba sa kanilang matagumpay na operasyon, at wala siyang alam tungkol sa umano’y plano na i-cover up ang pag-aresto kay Mayo.
Sinabi naman ni Santos na hindi niya masabi kung maghahain siya ng leave of absence dahil naka-floating na siya mula pa noong Pebrero, nang alisin siya sa pwesto bilang pangatlong pinakamataas na opisyal ng PNP. | ulat ni Leo Sharne