Nahaharap ngayon sa panibagong kaso ng katiwalian sa Sandiganbayan si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista at Ex-QC Administrator Aldrin Cuña.
Isinampa ang dalawang bilang ng graft laban sa dating QC officials kaugnay sa maanomalyang mga proyekto na nagkakahalaga ng P57-M.
Kabilang rito ang P25-M kontrata sa Cygnet Energy and Power Asia para sa solar power system na hindi dumaan sa approval ng Sangguniang Panlungsod.
Sinasabing nagsabwatan ang dalawang opisyal sa pag-pabor sa naturang kontrata kung saan inaprubahan ni Ex-Mayor Bautista ang pag-release ng pondo kahit bigong mai-deliver ang mga kinailangang materyales.
Kasama rin sa kaso ang kwestyunableng proyektong Online Occupational Permitting and Tracking System na kinontrata ng dating alkalde sa Geodata Solutions at nagkakahalaga ng P32-M .
Nairaffle sa Sandiganbayan 3rd division ang unang kaso ng katiwalian habang 7th division ang ikalawang graft case laban sa dalawang dating opisyal ng QC LGU. | ulat ni Merry Ann Bastasa