Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na wala silang hidwaan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr.
Ito’y sa kabila ng alegasyon ni Abalos na posibleng nagkaroon ng cover-up sa kaso ng pagrekober ng 990 kilo ng shabu.
Ayon sa PNP chief, kinausap siya ni Abalos bago ginawa ng kalihim ang kanyang pagbubunyag tungkol sa umano’y anomalya sa naturang operasyon noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Azurin na pareho lang ang pagnanais nila ni Abalos na malinis ang hanay ng PNP sa mga sangkot sa ilegal na droga, at maaring nagkakaiba lang sa pamamaraan.
Paliwanag ng PNP chief, kung mabagal ang tingin sa ginagawang imbestigasyon ng PNP, ito’y dahil sinisuguro lang ng Special Investigation Task Group na may sapat na ebidensya bago akusahan ang sinumang indibidwal.
Giit ng PNP chief, “very unfair” na akusahan at pangalanan ang sinumang opisyal na inalagaan ang kanilang career ng mahabang panahon na walang “due process.”
Apela ng PNP chief
sa kalihim, magtiwala sa imbestigasyon ng PNP at mag-ingat sa mga nagpaparating sa kanya ng maling impormasyon. | ulat ni Leo Sarne