Aabot sa 1,048 agrarian reform beneficiaries sa Masbate ang nakatanggap ng electronic land titles mula sa Department of Agrarian Reform (DAR).
Pinangunahan ni DAR Secretary Conrado Estrella III ang iba pang mga opisyal ng pamahalaan ang pamamahagi ng e-titles na ginanap sa Magallanes Coliseum, Masbate City.
Ayon sa DAR, katumbas ito ng higit sa 2,130 ektarya ng lupang agrikultural na ipinamahagi sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling o SPLIT Project.
Sinabi naman ni Secretary Estrella na alinsunod pa rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang pamamahagi ng lupa, at paigtingin ang mga suportang serbisyo sa mga ARB.
Samantala, bukod sa pamamahagi ng titulo ay nagkaloob din ang DAR ng mga makinarya at mga kagamitang pangsaka na nagkakahalaga ng ₱5.7-million at lumagda rin ng isang Memorandum of Agreement kasama ang mga kinatawan mula sa Cattle Raisers Association of Masbate, Incorporated (CARAMI) para sa isang cattle dispersal project sa ilalim ng Support Livelihood Program. | ulat ni Merry Ann Bastasa