Namahagi sina Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, Senador Imee Marcos, at Senador Francis Tolentino ng mga titulo ng lupa sa kabuuang 1,053 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Central Luzon.
Ayon sa DAR, sumasaklaw ito sa higit 1,100 ektarya ng lupaing pang-agrikultural sa Nueva Ecija, at mga lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac at Zambales.
Nasa 636 titulo ng lupa ang naipamahagi sa 585 ARB sa ilalim ng regular na Land Acquisition and Distribution program ng Department of Agrarian Reform (DAR) habang 437 electronic land titles (e-titles) ang ipinamahagi sa 438 ARB sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling project o SPLIT Project.
Ayon kay DAR Sec. Estrella, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang pamamahagi ng mga titulo ng lupa sa mga magsasaka.
Kasunod nito, sinabi ni Estrella na ang mga ARB na tumanggap ng kanilang mga lupa ay malapit ng hindi magbayad sa oras na mapirmahan na ng Pangulo ang New Agrarian Emancipation Act.
Suportado naman ni Senador Imee Marcos ang inisyatibo ng DAR na aniya ang katuparan ng pangarap ng kanyang ama na mapalakas ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalaya sa kanila mula sa pagkaalipin sa lupain. | ulat ni Merry Ann Bastasa