Handang makipagtulungan ang Land Transportation Office (LTO) sa Kamara kung sakali mang imbestigahan nito ang kakulangan ng plastic identification cards para sa lisensya ng mga nagmamaneho.
Kasunod ito ng inihaing House resolution ni Bagong Henerasyon partylist Representative Bernadette Herrera na nagsusulong na siyasatin ang nabanggit na kakulangan at umano’y mabagal na pag-iisyu ng driver’s license.
Sa isang pahayag, sinabi ni LTO Assistant Secretary Jose Arturo Tugade na bukas itong makipagtulungan sa Kamara para makabuo ng mga batas na magpapabuti sa procurement process ng ahensya.
Una nang nanawagan sa Department of Transportation (DOTr) si LTO Asec. Tugade para pabilisin ang procurement process at hindi na tumagal pa ang aberya.
Sa huling update, naiurong pa ang submission ng bids sa May 24 mula sa orihinal na petsang April 24.
Kaugnay nito, as of April 24, ay aabot nalang sa 110,000 ang on hand na suplay ng LTO ng mga plastic card na inaasahang mauubos na rin ngayong buwan. | ulat ni Merry Ann Bastasa