Nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) NCR-EAST sa mga bumibiyaheng bus dito sa Araneta City Bus Port.
Bahagi ito ng Oplan Biyaheng Ayos: Oplan Semana Santa at Summer Vacation 2023 na layong masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.
Pinangunahan ni LTO Director Benjamin Santiago III, ang inspeksyon sa naturang terminal na ang mga bus ay biyaheng North at Central Luzon.
Partikular na sinilip ang road worthiness ng mga bus kabilang ang wiper, gulong, signal lights, preno, at maging ang dalang spare tire.
Tinignan din ang passenger capacity ng bawat bus at kung may dala itong mga fire extinguisher at early warning device.
Ayon kay Director Santiago, layon nitong matiyak na hindi magkakaaberya sa pagbiyahe ang mga bus at hindi malalagay sa panganib ang mga pasaherong magsisiuwian ngayong Semana Santa.
Ang mga hindi naman makaka-comply ay binibigyan ng warning ng LTO at pinapabalik sa kanilang mga terminal.
Magpapatuloy ang pagiinspeksyon ng LTO sa mga bus hanggang sa Linggo lalo na sa regional offices para sa mga provincial buses na pabalik naman ng Metro Manila.
Samantala, ngayong Martes Santo ay kakaunti pa ang mga pasaherong pumupunta sa Araneta Center Bus Port sa Quezon City para makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya. | ulat ni Merry Ann Bastasa