Nagsimula na ngayong araw ang SIM-assisted registration ng Quezon City Local Government para sa mga residente nitong hindi pa nakakapagparehistro ng kanilang SIM.
Kaninang alas-10 ng umaga, may ilan nang nakapila sa mga booth ng telco na Globe at Smart na nakapwesto sa loob ng QC Hall Compound.
Kabilang dito ang ilang senior citizen na sinadya pa ang SIM-assisted registration dahil hindi alam ang proseso ng pagpaparehistro.
Ayon kay Tatay Antonio na 82 taong gulang, matagal na niyang nais iparehistro ang kanyang numero ngunit hindi alam lalo’t keypad ang gamit niyang cellphone
Ganito rin ang problema ni Tatay Jaime na 69 taong gulang naman. Aniya, agad siyang nagtungo sa City Hall para magparehistro na dahil ayaw niyang mawala ang kaniyang numero.
Sa abiso ng QC LGU, tatagal ang SIM – assisted registration nito hanggang sa mismong araw ng deadline sa April 26, 2023.
Sa pinakahuling tala ng NTC, as of April 22 ay aabot na sa 80.3 milyong sim card ang nairehistro na o katumbas ng 47.84% ng halos 169 milyong telco subscribers sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa