Kanya-kanyang opinyon ang ilang taxi driver na suki ng mga car wash sa panukalang limitahan ang operasyon ng mga establisimyento na malakas kumonsumo ng tubig.
Sa gitna yan ng panawagan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na magpasa ng ordinansa ang mga lokal na pamahalaan para limitahan ang mga establisimyentong gumagamit ng malaking volume ng tubig.
Hindi pabor rito si Mang Romeo, isang taxi driver na araw-araw kung magpa-car wash.
Aniya, sila ang mahihirapan kung malilimitahan ang operasyon ng mga car wash.
Ang iba namang tsuper, walang problema rito para aniya makatulong sa pagtitipid ng tubig.
Dagdag pa nito, maaaring gumamit na lang ng basahan para malinis ang sasakyan at nang hindi kailanganing magpalinis ng sasakyan araw-araw.
Una nang sinabi ng Metro Manila Council na pagpupulungan nito ang posibilidad na i-regulate ang paggamit ng tubig sa ilang negosyo gaya ng car wash, golf course, at mga swimming pool. | ulat ni Merry Ann Bastasa