Tuloy-tuloy na ang pag-usad ng konstruksyon para sa kauna-unahang Metro Manila Subway o Underground Railway system sa bansa.
Kanina pinangunahan nina Transportation Secretary Jaime J. Bautista, at ng mga opisyal mula sa Japan International Cooperation Agency ang groundbreaking ceremony para sa dalawang underground stations at tunnels ng MMSP.
Ito ay ang Quezon Avenue at East Avenue underground station na bahagi ng Contract Package 102 (CP102) at binubuo ng 3.163 km tunnel railway construction.
Inaasahan itong magiging gateway sa ibat ibang tanggapan ng gobyerno at pribadong institusyon sa QC kabilang ang AFP, LTFRB, SSS at East Avenue Medical Center.
Parte ng groundbreaking ceremony ang lowering of time capsule at sake barrel ceremony na hudyat ng pagsisimula ng konstruksyon.
Nagpasalamat naman si Sec. Bautista sa Japan Government sa loan package para sa pagsasakatuparan ng unang subway sa bansa.
Ayon sa DOTr, oras na matapos ang subway, inaasahang iikli na lang sa 45 minuto ang biyahe mula at patungong Valenzuela at NAIA.
May kakayahan ding maka-accommodate ang subway ng 519,000 na pasahero kada araw. | ulat ni Merry Ann Bastasa