Arestado sa Makati City ang isang lalaki dahil sa pagsusuot ng Police athletic uniform kahit hindi isang lehitimong pulis.
Kinilala ni Police Col. Edward Cutiyog, hepe ng Makati City Police, ang suspect na si Lenard Atienza.
Ayon kay Cutiyog, sumakay ng taxi si Atienza at nagpunta sa bahagi ng Ayala Avenue. Ngunit imbis na bayaran ang pamasahe na ₱60, humingi ito ng ₱100 sa driver.
Dahil sa takot, napilitan ang driver na ibigay ang ₱100 at agad na humingi ng tulong sa isang security guard.
Nang hingan ng ID si Atienza ay wala itong maipakita kaya isinumbong siya sa mga nagpapatrolyang pulis.
Dagdag ni Cutiyog, nakuha ni Atienza ang uniporme sa kanyang kaibigan.
Napag-alaman nilang nasangkot siya sa insidente ng pagnanakaw sa Cavite habang suot ang uniporme ng pulis noong nakaraang dalawang taon subalit nakapagpiyansa.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspect na nahaharap sa kasong usurpation of authority.
Paalala ni Cutiyog sa publiko na bawal suotin ng sibilyan ang anumang klase ng PNP uniform at kapag may kahina-hinalang indibidwal na magpapakilalang pulis ay hingin ang ID nito. | ulat ni Bernard Jaudian Jr.
?: Makati CPS