Inihayag ng Malacañang na nasa 409 na mga Pinoy sa Sudan ang nasa ligtas nang lugar sa Egypt sa gitna ng ikinasang mass evacuation effort habang nakataas ang ceasefire.
Ayon sa Presidential Communications Office, 335 mga OFW kasama ang kanilang pamilya ang nakaalis na ng Khartoum, ang capital ng Sudan habang 35 mga OFE pa at 15 estudyante ang nasa ligtas nang area sa Egypt.
Ang nasabing development ay alinsunod na din sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mabilis na dalhin ang mga apektadong Pilipino sa Sudan sa ligtas na lugar.
Kabilang na dito ang mga Pinoy na walang tinataglay na pasaporte o anumang identity card sa harap ng nais ng Punong Ehekutibo na maipagkakaloob ang kaukulang tulong sa mga Pilipino na kailangang matulungan.
Kaugnay nito’y nagpapatuloy ang koordinasyon ng Department of National Defense sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno para matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipinong nais na mag-repatriate o makabalik ng bansa.
May koordinasyon na umano sa DFA para sa repositioning ng Defense Attache mula sa UAE at Israel nang sa gayon ay matulungan ang Philippine Embassy sa Cairo sa ginagawang paglilikas sa mga Pilipino. | ulat ni Alvin Baltazar