Pinayuhan ng isang mambabatas ang pamahalaan na gamitin ang Mindoro oil spill bilang isang ‘environmental Balikatan’ at hingin ang tulong ng ibang mga bansa.
Para kay Deputy Speaker Ralph Recto, kung hihingi ng tulong ang gobyerno para sa paglilinis at rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng oil spill ay tiyak na tutugon ang mga kaibigang bansa ng Pilipinas.
Punto pa nito na kung mayroong krisis o kalamidad na tumama sa ibang mga bansa ay kagyat na nakahanda ang Pilipinas para sa humanitarian aid.
“Tayo naman ‘pag may disaster sa ibang bansa, automatic na nagpapadala ng tulong. Nang lumindol nga sa Turkey, nagpadala kaagad tayo ng isang eroplanong puno ng medical and rescue personnel and equipment,” saad ni Recto.
Dagdag pa ng Batangas solon, kung nakapag-mobilize ng 17,000 troops ang tatlong bansa para sa military Balikatan, kahit bahagi lamang ng bilang na ito ay malaking tulong na para tugunan ang naiwang ‘ecological threat’.
Maaari rin aniya itong maging paraan upang ipakita ng US at ng China ang kanilang pakikiisa sa Pilipinas, bilang kapwa bansa ay nagsasabing sinusuportahan nito ang ating bansa.
“Each has made a declaration of supporting us. But what we need is an actual demonstration that will affirm their intention. Kaysa magbangayan kayo, pwede ba magtulungan muna dito? Ito totoong sakuna, hindi digmaan na kathang isip lamang.” dagdag ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes