Inilunsad ngayon ng network ng advocacy group na Drug Policy Reform Initiative (DPRI) ang kauna-unahang media guide para sa pag-uulat ng drug related crimes sa bansa.
Ayon kay Atty. Kristine Mendoza, lead convener ng DPRI, layon ng media toolkit na gabayan ang mga mamamahayag sa mas akmang pag-uulat ng isang balita tungkol sa iligal na droga, kabilang ang mga drug buy-bust operation.
Ang 24-pahinang toolkit na “Putting Persons First: Drug Reporting and the Media” ay binuo sa pamamagitan ng kolaborasyon ng ilang advocates at mamamahayag.
Kabilang sa nakapaloob rito ang pag-alis ng mga salitang “adik, “durugista”, ‘drug abuser’ na umano’y harmful labels at pagpalit nito ng salitang ‘persons who use drugs’ o ‘persons whose lives include drugs’
Hinihikayat rin nito ang mga mamamahayag na maging sensitibo sa mga ginagawang panayam sa mga indibidwal at komunidad na nadikit sa iligal na droga ang pamumuhay.
Sa tulong nito, umaasa ang DPRI na mas maisulong ang human rights standards sa drug reporting at mabawasan ang stigma at diskriminasyon sa mga gumagamit ng iligal na droga. | ulat ni Merry Ann Bastasa