Kinumpirma ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na may mga testigong lulutang sa senado kaugnay ng mga nangyaring serye ng mga patayan sa Negros Oriental.
Ayon kay Dela Rosa, maliban sa kaso ng pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, tatalakayin rin sa gagawin nilang pagdinig sa April 17 ang iba pang kaso ng patayan sa naturang probinsya at iba pang kaso ng pagpatay sa opisyal ng gobyerno.
Sinabi ng senador na marami ang nagkalakas loob na lumutang at tumestigo sa senado upang magbahagi ng impormasyon sa serye ng pamamaslang sa naturang lalawigan.
Hindi naman matiyak ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs chairman kung ilan ang darating na testigo sa imbestigasyon sa senado.
Gayunpaman, sa mismong kaso ng pamamaslang kay Degamo ay wala pa naman aniyang bagong testigo na haharap sa gagawin nilang senate inquiry. | ulat ni Nimfa Asuncion