Iba-iba ang paraan ngayon ng mga magulang dito sa Quezon City para bantayan ang kanilang mga estudyanteng anak sa gitna ng napakainit na panahon.
Sa Project 6 Elementary School, ilan sa mga nakapanayam ng RP1 team na magulang ay aminadong nag-aalala na sa epekto ng mainit na panahon sa kanilang mga anak.
Ayon kay Nanay Jacklyn, halos maligo sa pawis ang kanyang anak sa tindi ng init ngayon, kaya naman bukod sa bimpo at baong tubig, may bitbit ring rechargeable electric fan ang kanyang anak sa loob ng classroom.
Si Nanay Susana naman, nakaabang na agad sa labas ng eskwelahan tuwing uuwi ang apo para agad mapunasan ang pawis nito.
Una nang nanawagan ang grupo ng mga guro sa Department of Education o DepEd na paikliin ang oras ng klase para sa mga mag-aaral sa gitna ng matinding init na nararanasan ngayon sa bansa.
Para naman sa mga magulang, mas pabor silang ibalik nalang sa buwan ng hunyo ang pasukan nang hindi na umabot sa tag-init ang pasok ng mga estudyante. | ulat ni Merry Ann Bastasa